Bilang reaksyon sa mga pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang press conference hinggil sa flood control projects at umano’y kampanya laban sa korapsyon, sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kung ipinangalandakan ni Marcos na “Pananagutin natin lahat ng may kasalanan” dapat kasama siya. “Paulit-ulit at ampaw ang mga pangako ni Marcos, habang walang pananagutan o accountability ang mga kurakot. Parang timeline ng MCU o Marcos Corruption Universe ang ipinakitang timeline ni BBM.”
“Hindi nakakabilib ang mga sinabi ni Marcos. Puro porma, walang hustisya. Wala pang nakakulong, wala ring naibabalik na pondong ninakawa, at lubog pa rin ang mga komunidad,” pahayag ni Danilo Ramos, chairperson ng KMP.
Ayon sa KMP, malinaw na ginagamit ni Marcos ang isyu ng korapsyon para pagtakpan ang mga sablay at pagkakasangkot ng kanyang administrasyon sa flood control projects. “Pinangalanan lang ang mga contractor pero hindi ang mga kongresista at opisyal na may papel sa maanomalyang proyekto. Hawak pa rin ng mga kroni at malalapit kay Marcos ang pinakamalalaking kontrata sa imprastruktura,” dagdag ni Ramos.
Tinawag ng KMP na “paimbabaw at pampaganda ng imahe” ang mga programang tulad ng Sumbong sa Pangulo website, Transparency Portal, at Independent Commission for Infrastructure. Dapat ay tunay na public audit, pagbubunyag ng mga dokumento, at pagkakaso sa mga tiwaling opisyal kasama ang mga nasa Malacañang at Kongreso,” giit ni Ramos.
Dagdag pa ng grupo, malinaw na walang saysay ang pangakong may makukulong bago mag-Pasko kung puro palabas lang ang imbestigasyon. “Ginagamit ni Marcos ang palabas na anti-corruption para linisin ang pangalan niya. Pero sa dulo, mga maliliit na opisyal lang ang napaparusahan habang ligtas siya at mga kakampi niya,” ayon kay Ramos.
Ipinaala ng KMP na may P9.2 bilyong Unprogrammed Appropriation (UA) funds na inaprubahan ng Pangulo ang ipinondo sa mga flood control projects sa Visayas at pinakamalaki sa Cebu subalit nabigong pigilan ang matinding pagbaha at pagkasawi ng daan-daang katao nitong mga nagdaang bagyo.
Giit ng KMP, ang tunay na reporma laban sa korapsyon ay nakaugat sa pagbabasura sa sistemang pabor sa mga kroni, kapitalista, at political dynasty. “Hindi kailanman magiging malinis ang gobyerno kung nananatiling nakasentro ang kapangyarihan at pondo sa iilang pamilya. Ang kailangan ay tunay na pagpapanagot, pagbabalik ng pondo sa mamamayan, at tunay na serbisyo sa mga magsasaka,” pagtatapos ni Ramos. ###
