Fuel subsidy kulang at limitado; production subsidy at pagbawas sa gastos sa produksyon kailangan ng mga magsasaka – KMP

Mariing iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kulang at limitado ang fuel subsidy program ng gobyerno para sa mga magsasaka at mangingisda, at hindi nito sapat na matutugunan ang lumalalang krisis sa langis na makaka apekto sa produksyon ng pagkain sa bansa.

Ayon sa KMP, kinakailangan ang anumang tulong mula sa gobyerno sa gitna ng nakakasindak na pagtaas ng presyo ng langis, subalit napakaliit ng pondong inilaan at napakakaunti ng target na makakatanggap kumpara sa milyon-milyong maliliit na magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

“Malinaw na kulang ang fuel subsidy na ito kung ihahambing sa aktwal na gastos ng mga magsasaka sa produksyon. Hindi nito matutugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang gastusin sa pagsasaka,” ayon sa KMP.

Batay sa panayam ng grupo sa mga magsasaka ng palay sa Malolos City nitong ikalawang linggo ng Marso, malaking bahagi ng gastos sa produksyon ng palay ay napupunta sa diesel na ginagamit sa hand tractor at water pump para sa patubig sa mga palayan. Tinatayang humigit-kumulang 64 litro ng diesel ang kailangan sa bawat ektarya ng palayan sa isang cropping season para lang land preparation at patubig.

Dahil dito, sa bawat pisong pagtaas sa presyo ng diesel, nadadagdagan ng humigit-kumulang P64 ang gastos ng magsasaka kada ektarya. Halimbawa, kung tumaas ng halos P10 kada litro ang presyo ng diesel sa loob lamang ng ilang araw, katumbas ito ng mahigit P600 na dagdag-gastos kada ektarya sa isang anihan.

6L diesel/lusong ng handtractor
x 4 lusong/anihan/ektarya
= 24L diesel/anihan/ektarya para sa hand tractor

4L diesel/patubig para sa waterpump
x 10 beses pagpapatubig/anihan/ektarya
= 40L diesel/anihan/ektarya para sa water pump

24L diesel/anihan/ektarya para sa hand tractor

  • 40L diesel/anihan/ektarya para sa water pump
    = 64L diesel/anihan/ektarya para sa land preparation at patubig

Sa presyo ngayong araw ng diesel na P84.75 kada litro ng diesel, umaabot na sa humigit-kumulang P5,400 kada ektarya kada cropping season ang dagdag gastos ng magsasaka para sa diesel para sa handtractor at patubig.

“Makikita sa simpleng kwentahan na napakalaki ng epekto ng presyo ng diesel sa kabuuang gastos ng mga magsasaka. Anumang pagtaas sa presyo ng langis ay agad na nararamdaman sa produksyon ng pagkain,” paliwanag ng KMP.

Dagdag pa ng grupo, may malaking bahagi ng gastos sa diesel na napupunta lamang sa buwis. Sa kasalukuyang sistema ng pagbubuwis, umaabot sa humigit-kumulang P15 kada litro ang pinagsamang VAT at excise tax sa diesel.

Sa kabuuan, umaabot sa halos P960 kada ektarya kada anihan ang binabayarang buwis ng mga magsasaka para lamang sa diesel. Katumbas ito ng humigit-kumulang P0.29 kada kilo ng palay kung ibabatay sa karaniwang ani sa isang ektarya.

“Kung aalisin ang VAT at excise tax sa diesel na ginagamit sa produksyon ng palay, makakatulong sa mga magsasaka. Ang halos isang libong pisong VAT at excise tax kada ektarya ay maaari sanang mapunta sa iba pang gastusin sa produksyon,” ayon sa KMP.

Binigyang-diin ng grupo na hindi lamang gasolina ang problema ng mga magsasaka. Patuloy ding tumataas ang presyo ng mga pangunahing farm inputs tulad ng abono, binhi, pestisidyo, at iba pang gamit sa produksyon, na lalong nagpapabigat sa gastusin ng mga magsasaka. Tiyak din na sisirit ang presyo ng abono dahil din sa pagsasara ng Strait of Hormuz kung saan dumadaan ang 45% ng global urea exports.

“Ang kailangan ng mga magsasaka ay mas malawak at tuloy-tuloy na production subsidy upang makapagtanim at makapagprodyus ng pagkain. Hindi sapat ang pansamantala at limitadong fuel subsidy kung patuloy namang tumataas ang presyo ng langis, abono, binhi, at iba pang farm inputs,” pahayag ng KMP. ###

Leave a comment