
Tungkulin ng bawat magsasaka at mamamayang Pilipino na tutulan, labanan at ipanawagan ang pagpapatigil sa gera ng imperyalismong US at ni Donald Trump sa Middle East. Nasa ikalawang linggo na ang gera ng US at Israel kontra sa Iran. Nagresulta na ito ng malubhang krisis dahil sa oil price shocks o pagsirit ng presyo ng langis sa Pilipinas at buong mundo.
Kahit milya-milya ang layo ng gera sa atin, ramdam na ramdam natin ang epekto ng gera ng US — umabot na sa P114/L ang diesel na ginagamit ng magsasaka para sa hand tractor, water pump at iba pang makinaryang bukid. Pinakamataas ang presyo ng kerosene na ginagamit panluto at pang-ilaw sa maraming kabahayan sa kanayunan.
Napatunayan na sa kasaysayan na US ang numero unong teroristang nanggegera at nagtutulak ng sigalot sa pagitan ng mga bansa. Mula sa gera nito sa Libya, Lebanon, Iraq, Afghanistan, Syria, Yemen at ngayon sa Iran, milyon-milyong tao na ang namatay dahil sa mga gera ng US.
Kung magtatagal pa ang gera ng US-Israel laban sa Iran, lulubha pa ang paghihirap at krisis sa kabuhayan ng sambayanang Pilipino.
Nabawasan na ang palaot ng mga mangingisda dahil sa napakamahal na petrolyo. Tumataas na ang presyo ng abono at pinangangambahang umabot sa P3,000/bag ng urea dahil sa baradong daanan ng fertilizer exports. Kasunod na ring tumaas ang presyo ng bigas, pagkain, utilities gaya ng kuryente at tubig, at marami pang iba. Dapat suportahan ang makatwirang hiling ng mga tsuper na taas-pasahe dahil wala na rin silang kinikita sa pasada. Kailangan ang dadag sahod para sa mga manggagawa at suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa gitna nito ay inutil si Bongbong Marcos Jr. Puro panakip-butas lang ang ibinibigay – 4-day work week, limitadong ayuda at pagpapapogi habang hinahayaan lang magtaas ng presyo at magkamal ng sobrang tubo ang oil companies. Habang nasa kamay ni Marcos Jr ang multibilyong pondo ng gobyerno na dinadambong lang at ninanakaw ng mga kawatan at kurakot.
Dapat magkaisa at magbigkis ang lahat ng masang anakpawis — mga magsasaka, manggagagawa, maralita, empleyado at mga propesyunal upang kondenahin ang gera ng US at pagka-inutil ni Marcos Jr.
Wala tayong maaasahan kay Marcos Jr at mga kasabawat niyang kurakot at malalaking negosyante gaya ng Petron, Shell, Caltex, Meralco at iba pa.
Nananawagan ang KMP sa lahat ng magsasaka at mangingisda, manggagawang bukid, kababaihan at kabataang magsasaka, at lahat ng mamamayan sa kanayunan na magkaisa at magtulungan sa panahon ng gera at matinding krisis na idinudulot nito.
Ipaglaban ang suporta at pondo para sa pagsasaka kabilang ang P15,000 production subsidy for farmers and fishers at P50,000 production support for rice farmers. Maglunsad ng mga organisadong kampanyang bungkalan, suyuan, at sama-samang pagtatanim ng pagkain para tugunan ang mga pangangailangan.
Sa kagyat, suportahan at ipanawagan ang pag-rolback ng presyo ng langis, pag-alis ng VAT at excise tax sa langis at mga bilihin.
Dapat isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang batayan ng ekonomiyang nakaasa-sa-sarili at tunay na maka-mamamayan.
Sumama sa protestang bayan sa Marso 19-20! Buhay at kabuhayan, ipaglaban!
I-rolbak ang presyo ng langis
Tanggalin ang excise tax at VAT sa langis!
Tanggalin ang VAT sa mga bilihin!
Wakasan ang gera ng US sa Iran!
Wakasan ang korap, pahirap, pasistang rehimeng US Marcos!
