Habang nagbabala na ang Department of Agriculture (DA) sa muling banta ng El Niño, nananatili pa rin sa antas ng pagbubuo ng task force ang tugon ng gobyerno. “Paulit-ulit lamang ang pagbubuo ng task force ng DA habang nananatiling delayed, kulang, at hindi epektibo ang mga hakbang nito.”
Ayon sa mga siyentista, posibleng mas matindi pa ang epekto ng “Super El Niño” sa buong mundo. Sa ngayon, ramdam na ang dry spell at drought sa maraming bahagi ng bansa ngunit kulang pa rin ang agarang aksyon ng gobyernong Marcos.
Iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kinakailangan ang malinaw, mabilis, at direktang suporta para sa mga magsasaka at mangingisda na unang naaapektuhan ng matinding init, kakulangan sa ulan at tubig, at pagbaba ng produksyon at ani.
Sa nagdaang El Niño noong 2023-2024, kabilang sa pinakamalubhang naapektuhan ang palay at mais na pangunahing pagkain at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino.
Binigyang-diin ng grupo na walang saysay ang sinasabing “climate resiliency” ng DA kung walang libreng irigasyon, sapat na suplay ng tubig, subsidyo sa binhi at abono, indemnipikasyon at kompensasyon sa mga nasalanta, moratorium sa utang ng magsasaka, at pambansang programang magpapalakas sa lokal na produksyon ng pagkain.
Ayon pa sa KMP, sa bawat El Niño lalong nababaon sa utang ang mga magsasaka habang importasyon pa rin ng bigas at pagkain ang pangunahing tugon ng gobyerno na pinakikinabangan lang ng mga importer at malalaking negosyante sa agrikultura.
Mula Abril hanggang sa kasalukuyan buwan, matindi na ang epekto ng tagtuyot sa rehiyon ng Panay. Kabilang dito ang pagbaba ng lebel ng tubig sa mga ilog, lawa, at balon, pagkatuyo ng mga sakahan, at kakulangan sa tubig para sa irigasyon at pang-araw-araw na gamit.
Iniulat ng Paghugpong sang mga Mangunguma sa Panay kag Guimaras (PAMANGGAS), regional chapter ng KMP sa Panay, ang pagkatuyo ng mga tanim na gulay tulad ng kalabasa, okra, kamatis, sili, sitaw, kalubay, ampalaya, at pipino; gayundin ng palay, mais, at mga prutas gaya ng rambutan, saging, niyog, at papaya. Apektado rin ang taniman ng kape at cacao. Tinatayang mahigit P200,000 na ang inisyal na pagkalugi ng mga magsasaka sa mga apektadong komunidad.
Sa San Dionisio, Northern Iloilo, may mga naitala ring pagkamatay ng mga alagang hayop dahil sa matinding init, kabilang ang 11 kambing, limang manok, at ilang itik at pato. Tinatayang mahigit P70,000 ang kabuuang halaga ng pagkalugi.
Giit ng KMP, malinaw nang nararanasan ng mga komunidad ang lumalalang krisis sa klima habang nananatiling napakabagal at kulang ang tugon ng gobyerno. Ipinawagan ng mga magsasaka sa DA at gobyerno ang libreng irigasyon, subsidyo sa produksyon, full crop insurance, emergency assistance, at sapat na kompensasyon para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Dagdag pa ng grupo, hindi sapat na umasa lamang sa mga climate-resilient seeds at teknolohiya. Hanggang nananatiling nakaasa sa importasyon ang agrikultura at walang tunay na reporma sa lupa at makabuluhang suporta sa lokal na produksyon, mananatiling bulnerable ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa mga sakunang dulot ng klima. ###
Litrato mula sa PAMANGGAS-KMP
