Mga magsasaka dismayado sa kabulukan ng Senado

Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang mga magsasaka sa lumalalang krisis at kaguluhan sa Senado ng Pilipinas.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang mga nagaganap sa Senado ay lalo lamang naglalantad sa malalim na kabulukan ng naghaharing sistemang pampulitika at burukrata-kapitalismo sa bansa. Habang abala ang mga naghaharing paksyon sa agawan ng kapangyarihan at posisyon, patuloy namang dumaranas ng kahirapan ang milyun-milyong magsasaka at mamamayan dahil sa tumitinding krisis sa kabuhayan, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kawalan ng tunay na suporta sa produksyon ng pagkain.

“Ilang araw nang walang sesyon ang Senado. Kung ayaw magtrabaho ng mga senador, ano pang ginagawa nila? Sayang ang buwis ng taumbayan sa kanila,” pahayag ng KMP.

Ayon pa sa organisasyon, ang pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa mga maanomalyang proyektong flood control ay dagdag na patunay ng laganap na korapsyon hanggang sa pinakamataas na antas ng gobyerno.

“Bawat araw ay may bagong drama sa Senado: pagkanlong sa puganteng si Bato dela Rosa, kudeta at agawan sa liderato, pagboykot sa sesyon, at iba pa. Ipinakikita ng lahat ng ito kung gaano na kabaho at kabulok ang isang institusyong dapat sana’y nagsisilbi sa mamamayan,” dagdag ng KMP.

Binigyang-diin ng KMP na kaugnay ang mga pangyayaring ito sa lumalalim na tunggalian sa pagitan ng mga kampo nina Marcos at Duterte. Inaasahan din nilang lalo pang titindi ang bangayan habang papalapit ang impeachment trial ni Sara Duterte at nagpapatuloy ang mga usapin ng korapsyon at pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.

“Walang pakialam sa masa at taumbayan ang mga Senador na ito. Habang patuloy na bumabagsak ang presyo ng mga produktong bukid, tumataas ang gastos sa produksyon, at lumalala ang kagutuman at kahirapan, wala namang nakikitang seryosong tugon mula sa Senado kaugnay sa mga panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pagpapataas ng sahod, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, at pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain.”

Iginiit ng KMP na hindi dapat maging kanlungan ang Senado para sa mga akusado sa korapsyon, pandarambong, at iba pang mabibigat na krimen. Anila, dapat managot ang lahat ng sangkot sa katiwalian at paglustay sa pondo ng bayan.

Sa huli, nanawagan ang KMP na ituloy ang impeachment proceedings laban kay Sara Duterte at tiyaking hindi ito maisasabotahe ng mga maniobrang pampulitika sa Senado. Pinanawagan din sa Senado na isuko si Bato dela Rosa upang humarap sa mga proseso ng International Criminal Court (ICC).

Kasabay nito, iginiit ng organisasyon ang pagpapatuloy ng lahat ng imbestigasyon sa korapsyon, kabilang ang mga anomalya sa mga proyektong flood control at iba pang programang pinondohan ng bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.

“Ang mga kaguluhan sa Senado ay malinaw na patunay ng bulok at mapang-aping sistemang pinaghaharian ng mga dinastiyang pampulitika, malalaking burukrata, at mga ganid sa kapangyarihan. Habang nag-aagawan sila sa pwesto at impluwensya, lalong nalulugmok sa kahirapan ang mamamayan,” pahayag ng KMP.

Nanawagan ang KMP sa mga magsasaka at mamamayan na palakasin ang sama-samang pagkilos upang igiit ang tunay na pananagutan, labanan ang korapsyon, at isulong ang mga kagyat na kahilingan para sa kabuhayan, pagkain, at katarungang panlipunan. ###

Leave a comment